Tuesday, March 31, 2009
Salamin, Salamin ü
Galing sa MPs 10 namin. :)SALAMIN, SALAMIN
Ni Karmela Mariz F. Francia
“Left-handers rule!” Agad itinaas ni Elin ang kanyang kanang kamay, at ibinaon ang hawak na tinidor sa tocinong nakahain sa mesa.
Tulad ng nakagawian, magkasabay kaming mag-almusal ng kababata kong si Elin. Pandesal, isang bote ng Cheez Whiz, mainit na kapeng dati-rati’y gatas na nakakapaso sa labi, sinangag na may Star Margarine, at ang Ulam for the Day ni Mama – solve na kami para sa isang panibagong araw. At tulad pa rin ng dati, umiral na naman ang gutom ni Bespren at di nakuntento sa pandesal at palaman lang.
“Ano ka ba naman. Matagal mo na kong kilala, hindi ka na nasanay.”
“Sabi ko nga.”
“Ano? Na masiba ako kumain o na kaliwete ako?”
“Pareho. Kung may susunod pa, all of the above,” pilit akong ngumiti.
Siniko ako ni Elin. “Uy, saan nga pala tayo pupunta matapos kumain?”
Oo nga naman. Bakit di ko ba naisip iyon? Bakasyon na, siguradong mag-aaya na naman si Elin kung saan-saan. Pero siyempre, nag-iisa lang ang sagot ko: “Sa tambayan na lang muna.”
Sampung taong gulang kami noon nang binantaan sina Aling Jovy at ang anak nitong si Sadie na susunugin sila nang buhay ng taumbayan. Sabi-sabi ng ilan, galing sila sa angkan ng mga mangkukulam. Dahil dito, tumakas ang mag-ina mula sa kanilang mansyon. Ngayon, isa na itong abandonadong bahay na palagi naming pinupuntahan ni Elin. Sabihin man ng ibang mga taong may naiwan pa ring kademonyohan sa bahay ng mumung kalaguyo ng meyor, walang mintis pa rin kaming dumadalaw dito. Malamig ang hangin sa may rooftop lalo na tuwing gabi, malaki ang espasyo’t pwedeng mag-ensayo ng sayaw o mag-pusoy dos sa isang kanto ng dating kinatitirikan ng sala, at sadyang mabait yata sa amin si Aling Jovy at tinira pa niya ang ilan sa kanyang mga kagamitang pambahay. Swak na swak sa mga pantasyang bahay-bahayan namin ni Bespren.
Kumpleto sa mga mumunting silya, isang gaharding cabinet na puno ng mga aklat tungkol sa herbal medicine (suspetsa namin, mga gamot itong pambarang), mapupurol at kinakalawang na kutsilyo’t kubyertos sa dating kusina, kutson pati mga unang nag-iipon ng alikabok…
“May salamin pala dito sa kwarto nila Aling Jovy,” puna ni Elin.
“Talaga? Wala naman iyan dati.”
Dali-dali kaming pumunta sa harapan ng salamin. Malapad at matayog, makinis ang panlabas, wari’y kumikinang at nag-iimbita ng maniningin. Parehong imahe ang tumambad sa amin, kontrolado ng aming bawat naisin. Ginalaw-galaw ko ang aking mga kamay, siyang sunod din ng Hannah sa aking harapan. Tinataas naman ni Elin ang kanyang kilay at sumusunod ang kanyang repleksyon. Sa isang iglap, kumaway ang kamay ni Elin sa kanya.
“HALAAA! ANO BA ITOOO?” pabulahaw niya.
“Friend, kalma lang –” Humagikhik si Elin, “Be-lat,” pumapalo pa sa hita nito.
“Weh nananakot ka naman!”
“Ang seryoso mo kasi! Para namang may magagawa ‘tong kung ano, e salamin lang ‘to..”
Dahan-dahang lumabas ang isang uka sa salamin, tila isang mapuwersang kalmot at kusang iginuhit sa mukha ni Elin.
“Nako hindi na ako iyan!”
Patuloy na nagsilabasan ang mumunting mga biyak kung saan-saan sa salamin. Sa kanang kanto, sa may itaas, sa tuhod ko, sa tiyan ni Elin, sa kaliwa niyang mata, sa aking talampakan – anumang sandali’y mabibiyak na ang mga piraso nito.
“Elin, umalis na tayo dito!” Hinawakan ko na ang kanyang kamay at hinila ito palayo sa salamin.
Pumiglas si Elin. Nakatitig lang siya sa mga ukang kanina’y iisang lamat lamang sa kanyang mukha.
“Elin! Ano bang tinatayu-tayo mo diyan? Tara na!”
“Sandali lang. Tingnan natin kung anong mangyayari.”
Ilang segundo lang, gumapang ang mga ukit pasentro sa salamin, tila binubura ang mukha ni Elin. “Bakit? Anong ginawa ko? Bakit mukha ko?” marahang bulong si Elin sa sarili.
Kumawala na naman ang mga ukit, wari’y naghahanap ng mas marami pang kapisan nito. Nginitian si Elin ng kanyang larawan. Nagitla ako sa aking nakita – bakit may sarili nang buhay ang Eling nasa kabilang panig ng salamin.
Nanginginig si Elin sa harap ng kanyang anyo. “S-sinoo-o ka?”
“Si Nile.”
“At… Bakit ikaw, ako? Ginagaya mo ako kanina lang, pero…”
“Hindi ba iyon naman ang talagang ginagawa ng mga salamin? Ang ipakita ang mga nais mo lang makita?” sumbat ni Nile.
“At papaano mo ko nakakausap? Ikaw at ako si Elin!”
“Ikaw ay ako. Ako ay ikaw. Wala nang makapagbabago nun.”
“Larawan ka lang sa salamin!” sigaw ni Elin.
Hindi na ako makapaniwala sa mga nangyayari. “Elin naman, nakikipag-usap ka na sa sarili mong repleksyon?! Tara na! Hindi mo siya kailangang kausapin!”
“Hindi, Hannah, ninakaw niya ang anyo ko! At paano niya ako nagagamit ng ganyan-ganyan lang?! HINDI AKO MAKAKAPAYAG!”
Hinila kong muli si Elin paalis. “Elin, ano ba?! Naloloka ka na ba?”
“Oo, naloloka na siya. Kailangan na niya ng bagong anyo!” bulahaw ni Nile, at bumagsak si Elin sa sahig.
“ELIIIIIIIIIN!”
Inalis ko ang aking mata sa hawak kong pandesal, kanina pa pala dapat nalusaw iyon sa kakalutang ng isip ko sa kawalan.
“Hindi naman siya yung nahimatay.”
Napatingin ako kay Elin. “Paano mo nalamang nahimatay ka?”
“Iyon kaya ang sinasabi mo sa akin dati pa! Nahimatay ako, kinarga mo ko hanggang dito, kinabukasan na ko nagising. Hannah naman,” paliwanag ni Elin, may tig-isang pandesal sa magkabilang kamay.
“O, ayaw mo ng danggit?” usisa ko.
Binigyan niya ko ng maliit at nahihiyang ngiti, “Okay na ako dito sa Cheez Whiz.”
Tinaasan ko siya ng kilay at sinipat mula ulo hanggang paa. Parang may mali.
“Sige na nga, baka magtampo pa ang mama mo. Kakain na po ng danggit.” Kinuha niya ang tinidor at kumuha ng isang pirasong ulam sa plato. Gamit ang kaliwang kamay.
Dumilat ang aking mga mata. Ngayon alam ko na – may mali nga.
“Hannah, OK ka nga bang talaga?”
“Ikaw Elin, OK ka lang ba?”
Nabitawan ni Elin ang tinidor sa tawa. “Oo naman ano! Hindi naman ako yung kanina pang nakatulala eh. Wag mo na nga akong pakialamanan.”
“Sabi mo eh.”
“Ano? Na OK ako o hindi ako yung nakatulala?”
“Elin, pumunta tayong tambayan.”
Hindi ko alam ang aasahan pagdating namin sa dating bahay ni Aling Jovy. Kung dati-rati’y ang kaibigan ko ang kasama kong magpunta dito, iba na ngayon. Hindi ko na kilala ang taong kasama ko. Nasaan si Elin? Nagbago lang kaya siya o hindi talaga siya ang kaharap ko ngayon?
Kumaripas si Elin, nagmadali papunta sa harap ng salamin.
“Hannah, naalala mo yung usapan natin kanina?”
“Alin doon?”
“Nung sinabi kong ‘huwag mo kong papakialamanan’,” tugon ni Elin habang pinagmamasdan ang sarili.
“Tumigil na nga ako hindi ba,” iginatong ko sa kanya.
“Pero hinding-hindi ka titigil.”
Lumabas ang nakakabulag na liwanag sa salamin. Wari’y naitulak ako nito sa sahig – lumalamon, iniikot ang aking paningin, kinakalas ang bawat bahagi ng katawan ko hanggang wala na akong maramdaman.
Tumakbo ako papunta rito, hinintay na lumabas ang aking anino. Wala. Walang Hannah sa salamin.
Muling naglabas ang salamin ng liwanag. Pinikit ko ang aking mga mata nang bahagya – ano pa kaya ang ipapakita sa akin ng salaming ito?
Bigla akong may nakitang isang malapad na tulugang bughaw ang kubrekama, katabing kahoy na tokador na may salamin sa kanan at bistidang naka-hanger naman sa kaliwa, mesang may lampara at napapatungan ng nagkakapalang libro, malapit ito sa pinto papunta sa kabilang pasilyo na… Sandali?! Kwarto ko iyan!
Humagilap ako ng oras, alas-siyete na sa orasang nasa study table. Napansin kong pumasok si Elin sa kwarto.
Sumigaw na ako sa pinakapwersado kong boses. “Elin! ELIIIIIN! Nandito ako! ELIN!” Iwinagayway ko ang aking kamay. Patuloy si Elin sa pagsusuklay. Binagbag ko na ang salamin. Sinuntuk-suntok. Sinipa. Pilit binali ang mga gilid nito. Wala pa ring napapansing Hannah ang aking kababata.
Bakit hindi niya ako marinig? Bakit ako naririto sa dilim? Bakit sa salamin lang na ito ako nakakakita?
Nabulahaw ang aking pag-iisip sa nakakarinding sirena sa labas ng kwarto. Napatingin din si Elin sa may bintana – isang rumaragasang sasakyang may nakapintang baliktad na pulang AMBULANCE sa katawan nito. At kailan pa nabaliktad ang pinta ng mga ambulansya?
Lumabas si Elin ng kwarto ko; tila sinusundan siya ng imahe sa salaming pinapanood ko. Nakarating siya hapag-kainan, naroon si Mama at kakalapag lang ng kanyang longganisa. Ah, Ulam for the Day.
“Magandang umaga po, Tiya,” bati ni Elin.
Namumugto ang mga mata ni Mama ngunit nagpumilit pa rin itong ngumiti. “Kumain ka na diyan, iha, at pupuntahan ko lang si Hannah sa ospital. Sa wakas ay nahanap na siya.”
Mama, ano bang pinagsasabi mo diyan? NARITO AKO SA LIKOD NG SALAMIN!
Nagulat si Elin sa narinig. “Nahanap na po si Hannah? Saan daw?”
“Sa dating bahay nila Aling Jovy. Nakita siyang may hawak na isang malaking biyak ng salamin.”
Nakuha pang ngumiti ni Elin kay Mama, “Salamat naman po at nahanap na rin siya.” Kumuha ito ng dalawang pandesal at tumayo na sa kinauupuan.
“O Elin, di ka na magsisinangag?”
Umiling siya at nagpasintabing, “Okay na po ako sa Cheez Whiz. Mauna na po ako, Tiya.”
“Sige iha, mag-ingat ka.
Mabilis na inubos ni Elin ang hawak na tinapay habang papalabas ng aking bahay. Pagdating sa daan, kumaripas ito ng takbo. Ilang kanto pa, nakarating siya kina Aling Jovy. Ngayon maiintindihan ko na ang lahat.
Luminga-linga si Elin na parang may hinahanap. Unang sumagi sa isip ko ang salamin. Wala na ito sa dating lalagyang kwarto nila Aling Jovy. Sinipat ko ang paligid ng kanyang kinatatayuan. Walang malapad at matayog at makinis ang panlabas na anyo. Walang kumikinang at nag-iimbita ng maniningin. Natigilan si Elin sa may sala. Umukit ang ngiti sa kanyang labi. At nakatingin siya diretso sa akin. Nanlaki ang aking mga mata sa takot.
Marahang lumapit ang imahe ni Elin sa akin. Tumayo siya sa gilid ko, ngunit hindi pa rin niya inaalis ang titig ng kanyang mga mata sa akin. Tumaas ang aking mga balahibo.
“Hannah.” Tumapik sa balikat ko ang isa pang Elin.
“N-Nile!” ang nasabi ko sa aking katabi.
Umiling si Elin. Tumawa ang Elin sa kabilang panig ng salamin.
“Hannah, tingnan mo ang ginawa niya,” turo ni Elin sa aking larawan sa salamin – isang Hannah na nakabulagta sa sahig, duguan ang tiyan, leeg at binti at may hawak na isang basag na piraso mula sa salamin. May masamang ngiti at lubhang nasisiyahan ang Eling kanina pa tumitingin sa akin.
“Nile,” na lamang ang aking nasabi, sumukli ng nasusuklam na tingin sa kanya.
“Ano Elin? Kumusta ang pagtingin sa mga bagay na hindi mo kailanman pinangarap makita?” tukso ni Nile sa aking katabi.
Tumingin siyang muli sa akin. “Pasensya na, Bespren,” may tono ng pangungutya sa pagsasalita nito, “at kailangan mo pang madamay. Kailangan mo rin ng panibagong anyo.”
“Hannah, dito na tayo habambuhay,” wika ni Elin. Bumabaybay ang luha niya sa kanyang pisngi habang kumukulili sa tainga ko ang isang walang pigil na halakhak mula sa kasumpa-sumpang salamin.
Monday, March 30, 2009
Lolli lolli lollipop. :)
Onse finals kanina. Jusko. Kahit pa di na lang ako nag-aral hours before. Wala rin naman akong maisasagot. o_O Hello second take. Enlisted na ko, for real. >_<
Sign ito. Onse-filled summer. :|
At wala pa kong nakukuhang PE. Kumusta naman iteyyy. Tapos wala pang finals sa 23. Whateeeev~ Early this week daw yung exemption list. At April 2 na ang exam. KUMUSTA NAMAN, salamat talaga judges o_O Roaaar~
Onting kembot na lang, tapos na 2nd sem ko. Or not. Haaaay.
Oy oy, hello blog! Multiply is so last year. Hello Facebook + Blogger again. ^_^